Mula Facebook hanggang Baler

Mula sa saliw ng musikang sumasabay sa malungkot na damdamin ni Dondy, tuluyan nang bumagsak ang kanyang luha. Nasa loob siya ng FX ng mga oras na iyon pauwi ng bahay. Kahit may tao sa kanyang harap, hindi niya pinigilan ang pagbuhos ng kanyang luha. Walang  maaring pumigil dahil gusto niyang ibuhos ang kanyang nararamdaman.

Galing siya ng paaralan kanina. Kasama niya ang kanyang mga kaibigan na lagi niyang nakakatuwaan. Palubog na ang araw nang maisipan niyang umuwi na.

“Dondy, mamaya ka na umuwi”, pigil sa kanya ni Francis.

“Oo nga. Ang aga aga pa kaya”, dagdag pa ni Maica.

Hindi na siya nagpapigil sa dalawa. Malungkot siya ng mga oras na iyon. Hindi niya alam pagkasakay niya ng dyip papuntang terminal ng isa pa niyang sasakyan na may balita siyang malalaman na magpapa-alab pa ng kanyang kalungkutan.

Habang nasa loob ng dyip, isang text message ang kanyang natanggap mula sa kanyang kasintahan na malayo sa kanya at madalang lang niyang makita. Nakikipaghiwalay ito sa kanya. Pinigilan niya ito at sinabi niya na mag-usap sila ng personal, huwag sa cellphone lang. Ngunit, hindi rin nagpapigil ang kasintahan. Sawang-sawa na daw ito sa kanilang relasyon. Isang relasyon na akala nilang magiging maayos sa pagdaraan ng mga panahon pero dati lang ‘yon.

Habang nasa loob ng FX, may mensahe pang ang dumating sa kanyang cellphone. Mula kay Nic Agbayani, ang kanyang kasintahan. Hindi na niya inabala ang sarili na basahin pa ito. Binura niya agad. At tumutulo pa rin ang kanyang luha. Ayaw tumigil at parang kusa na lamang bumubuhos. Mabuti na lamang at may dala siyang panyo pero hindi sasapat sa kanyang luha.

Maya-maya’y isa pang mensahe ang dumating. Mula naman sa tinatawag niyang Kuya Victor, ang kinatawan ng kanyang kurso sa konseho ng mga mag-aaral. Sabi sa mensahe:

“Good evening guys. Good news. Matutuloy na ang ating fieldtrip sa Baler. Sponsored ito kaya wala kayong babayaran o gagastusin. Magreply lang kayo kung sasama kayo. Salamat.”

Bahagyang natigil ang kanyang pagluha. Sa wakas ay makakapunta na siya ng Baler na tiyak kasama pa ang mga kaibigan. Siguradong isang masayang fieldtrip na papawi sa puso niyang biglang ginasgasan ng isang babaeng tunay niyang sinisinta sa loob ng dalawang taon.

Dalawang oras matapos makasakay, nakarating na siya ng kanilang bahay. Pagod na pagod na siya mula sa mahabang byahe at sa dami ng ginawa sa paaralan. Nakayuko siyang pumasok sa bahay upang hindi makita ng kanyang pamilya. Dumiretso siya agad ng kwarto. Hindi na niya nagawang patirin ang pagka-uhaw – sa iba’t ibang bagay.

Pinili na lamang niyang matulog muna. Sobrang antok na siya na dinagdagan pa ng kanyang kwartong punung-puno ng kulay asul kahit sa ka tumingin – nakakantok, malamig sa mata. At tuluyan na ngang pumikit ang kanyang talukap, maya-maya pa’y sumama na ang kanyang natutulog na diwa sa panaginip sa kung saan.

_________________________________________________________________________________

Pakanta-kanta pa si Cielo habang niluluto ang paboritong pagkain sa hapunan. Wala ang kanyang ama at ina na pumunta sa Davao upang asikasuhin ang kanilang lupa roon kaya siya lang ang kakain. Matapos makapagluto, pumwesto siya agad sa study table ng ama kung saan niya iniwan ang laptop bago pumasok. Nakasanayan na niyang gawin ang kumain kaharap ang laptop habang gumagawa ng takdang-aralin.

Ilang saglit pang pag-copy-paste niya ng mga nahanap na impormasyon sa internet, nagbukas naman siya ng Facebook sa katabing tab. Nakasanayan niya na rin na gagawa ng takdang-aralin pero may nakabukas na Facebook o Twitter. Halos apat na taon na niya itong ginagawa at nagiging parte na ng kanyang buhay ang mga ganitong website.

Nag-scroll down siya ng mabilis sa kanyang wall. Maya-maya’y napahinto siya sa 9gag share ng kanyang Faceook friend. Lubusan siyang natawa sa nakita. Ni-like niya ito at nag-comment pa ng “LOL”. Sa puntong iyon, tinabi muna niya sa gilid ang kanyang kinakain at tsaka uminom ng tubig.

Nag-scroll down ulit siya ng isa at isang kasabihan naman na nakasulat sa makulay na letra ang kanyang nakita. “Stalking is the art of keen observation” ang pagkabasa niya sa kasabihan. Hindi niya iyon ni-like. Hindi naman niya kilala ang gumawa. Isang Facebook friend lang.

Habang nagi-scroll down ulit, bumabalik sa kanyang balintataw ang kasabihang nabasa kanina. Binilisan niya ang pag-scroll up at nang muling matunton, binasa niya ito ulit. Tinitigan niya ilang saglit at sinabing, “oo nga no”. Dahil sa hindi niya kilala ang nag-share, klinick niya ang larawan nito at dinala siya sa pahina kung saan makikita ng mas malaki ang larawan. “Ang pogi”, tangi niyang nasambit.

Nagpalipat-lipat ulit siya ng pahina at lalong bumabalik sa kanyang alaala ang nabasa. At totoo ang nararamdaman niya ng mga oras na iyon – tinamaan siya.

Maya-maya’y napaisip siya. At ginawa na naman niya ang nakasanayang gawin sa Facebook.

_________________________________________________________________________________

Matapos ang dalawang oras na pagkakatulog, nagising na si Dondy. Kailangan pa niyang gawin ang mga takdang-aralin na dapat sana ay kanina pa niya ginagawa. Mabilis siyang pumunta ng banyo, naghilamos, nagpunas ng mukha at humarap sandali sa salamin. Ibang Dondy ang kanyang nakikita. Isang Dondy na lumuha dahil sa pag-ibig. Isang Dondy na hindi naman ganoon. Bumalik sa kanyang isip ang mensahe ng kanyang kasintahan. Hindi pa rin niya maisip kung bakit nangyari sa puntong paghihiwalayan. Pero iba si Dondy. Siya ang tipo ng taong nakararaos ng mabilis sa pisikal na aspekto. Kaya bumalik agad siya sa kwarto at binuksan ang laptop.

Kaharap na niya ang isang blankong word processor. Walang lumalabas sa utak niya ng mga puntong iyon kaya naisipan niyang magbukas ng Facebook.

Pareho lang ang kanyang nakikita noong huli siyang magbukas. Puro na lang kasabihan tungkol sa pag-ibig. May natatandaan siya na nag-share siya ng isang kasabihang hindi pampag-ibig pero malapit na doon. Tinignan niya ang chatbox. Ilang tao lang ang naka-online. Maya-maya’y may biglang lumitaw na isa pang pangalan. Tama ang kanyang nakikita. Kulay berde ang bilog sa tabi ng pangalan ni Cielo Ramos. Chinat niya ito.

“Hi, Cielo”, pinindot ni Dondy ng mabilis ang ‘enter’. Wala na talaga sa isipan niya si Nic Agbayani.

“Bye, Dondy.” ‘enter’ din ni Cielo. Si Cielo na palabiro. Cielo na mahilig makipaglaro. “Joke lang. Hi, Mr. Dondy Sales. Bakit?”

“Wala lang. Nabobored lang ako ngayon”

“Edi, gawin mo na lang yung assignments natin. Bilis. Pakopya na lang ako.”

“Tinatamad nga ako eh. Teka, natanggap mo ba yung text ni Kuya Victor?”, nagbukas agad si Dondy ng mapapag-usapan.

“Yung tungkol sa fieldtrip? Oo. Nagreply agad ako.”

“Talaga? Edi sasama ka? Sasama rin ako eh.”, sumaya ang damdamin ni Dondy.

“Oo, sasama ako. Pero sinabi mong sasama, parang ayoko na. Hahahaha. J))” pabirong sagot ni Cielo. Si Dondy, napangiti.

“Grabe. Edi wag!” sabay pindot ng enter si Dondy. Walang mabilis na sagot si Cielo. “Hindi, joke lang. Hehe.” , pahabol niya.

“Hindi. Walang joke joke sa akin. Hahaha. Biro lang. Oo, sasama ako.”, sagot ni Cielo matapos ang tatlong minuto.

“Talaga? Sige, tabi tayo sa bus ah.” Kinikilig si Dondy. Si Cielo, hindi na Facebook ang kaharap ng mga oras na iyon kundi isang blankong word processor.

“Sige, maga-out muna ako ah. Kailangan ko na matapos itong papers ko”, sagot ni Cielo nang makita ang huling mensahe ni Dondy. Pero hindi totoong mag-a-out siya. Pinindot niya ang “Turn off chat” , sinara ang word processor at binalikan ang pagdalaw sa mga Facebook account.

“Wait lang. Hindi pa tayo masyadong nag-uusap. Huyyy.” Pigil ni Dondy. Pero natigilan nang mabasa na offline na si Cielo.

Nalungkot si Dondy. Binalikan na lang niya ang paggawa ng takdang-aralin. Nag-type siya ng mga letra pero walang maaanig na may nabubuong salita.

_________________________________________________________________________________

Dumating na ang araw na hinihintay ni Dondy at ni Cielo at ng mga kaibigan nila. Maaga pa lang ay dumating na si Cielo sa Bulwagang Palma.

“Hi, Cielo. Ang aga mo ah. Kamusta na kayo ni Dondy?’, bati sa kanya ni Francis.

“Uh? Okay lang ako. Anong kamusta na kami ni Dondy?”, nagtatakang tanong ni Cielo.

“Ah wala yun. Joke lang.”

Unti-unti nang napuno ang bus. Sabay na dumating sina Maica at Kuya Victor. Maya-maya’y dumating na nga si Dondy. Halos puno na ang bus nang dumating siya. Wala ng maupuan. Iginala niya ang paningin sa loob upang maghanap ng bakanteng upuan.

“Dondy, Dondy, dito oh. Meron pang pwesto.”, tawag sa kanya ni Francis na nakaupo sa tabi ni Cielo sa pang-tatlong taong upuan. Agad na lumapit si Dondy, ipinuwesto ang dalang bag sa taas at tsaka umupo. At bigla na lang sumigaw ang mga tao sa bus. Mahabang ‘uy’  at malambing na ‘ayie’ ang maririnig mula sa bibig ng lahat.

“Bye, Dondy. Enjoy the trip”, pagpapa-alam sa kanya ni Francis na lilipat na sa tunay na inuupuan.

“Huyy, Francis. Ano ‘to?” gulat na tanong ni Dondy. Si Cielo, namumula na dahil sa sigawan.

“Wala lang. Di ba break na kayo ng girlfriend mo? Ayan, si Cielo, bago mong mamahalin”, sabi ni Francis sa malakas na boses at naghiyawan ang lahat.

Hindi pa rin nag-uusap sina Dondy at Cielo. Nagkakahiyaan pa sila. Nasa Bulacan na ang bus nang sila ay mag-usap.

“Ang ganda ng Bulacan noh. Ang daming palayan.”, binasag ni Dondy ang katahimikang nangingibabaw sa kanila.

“Ah. Ah oo. Sana pagbalik ko dito, ganyan pa rin. Baka bukas kasi ay may building na dyang nakatayo”, mahinang sagot ni Cielo.

“Hindi naman siguro. Dapat ang pagtuunan ng pansin ay kung paano mapipigilan ang pagbaha.” Sumandal na si Dondy sa kinauupuan. “Teka, matagal pa ba ang Nueva Ecija?”, pag-iiba niya ng usapan dahil ayaw ni Dondy sa puntong iyon ng intelektuwal na usapin.

“Matagal-tagal pa. Nabasa ko dun sa signage, 39 kilometers pa daw pa-Gapan” Hindi lumilingon si Cielo sa dako ni Dondy. Nasa window seat siya at nakatingin lang sa napakagandang tanawin sa labas.

“Teka, sinong nagplano na pagtabihin tayo? Kasali ka ba sa kanila?”, lalong tumahik sa pagitan nilang dalawa. Si Cielo nakatingin pa rin sa labas.

“Hoy, para sabihin ko sa’yo wala akong alam. Ang kapal. Ang kapal talaga.”

“Joke lang. Eto naman.” Lumapit si Dondy ng kaunti kay Cielo.

At tahimik pa rin. Walang gustong maunang magsalita. Si Cielo biglang may naisip. Si Dondy agad na nilabas ang kanyang laptop na gagawin sana ni Cielo. Wala palang wifi. Tahimik ulit.

“Ano yung sinasabi ni Francis na hiwalay na kayo ng gf mo?”, una si Cielo. Isa pang pampatahimik na tanong.

“Ayun, nakipaghiwalay sa akin. Hindi ko alam kung bakit”, malungkot ang tono ng boses ni Dondy.

“Sorry pero ang bilis mo naman atang makapag-move on.”

“Medyo. Siguro dinagdagan pa ‘yon ng fact na hindi kami nagkikita. Bakit mo naitanong?”,

“Wala lang. Wala. Wag mong isipin na may gusto ako sa’yo ah”, pigil ni Cielo sa maaaring isipin ni Dondy. Nasa SCTEX na ang kanilang sinasakyan at lalong nagiging berde ang paligid na may kaunting kabahayan.

“Hahaha. Ikaw lang kaya ang nag-iisip nyan”, lokong sagot ni Dondy pero alam niyang medyo nahuhulog na siya kay Cielo dahil lamang sa pag-uusap nila. Hindi naman siguro masama kung umibig siyang muli lalo na sa panahong kailangan niya ng isang taong magpapasaya sa kanyang nalulungkot na damdamin. Pero hindi ibig sabihin nito na magpapalipas lang siya kay Cielo. Hindi siya ganoong tao.

Bumilis ang takbo ng kanilang sinasakyan tulad ng kung gaano kabilis tumibok ang puso ni Dondy kay Cielo. Tulad ng kung gaano kabilis din inaalala ni Cielo ang kanyang bagong sinusundan sa Facebook. Nalungkot siya bigla. Baka sakaling may update na iyon. Maya-maya pa’y huminto muna ang bus para makakain na sila. Kunsabagay, gutom na rin silang lahat mula sa malayo-layong byahe.

“Ang ganda naman dito. Sobrang presko.”, pansin ni Francis sa paligid ng kainan. Tunay ngang napakaganda at napakaginhawa. Isang kainan sa tabi ng bukirin.

Ilang saglit pa at nagtuloy-tuloy ulit ang pagbyahe papuntang Baler. Dahil nabusog na, tuloy pa rin sa pang-aasar sa dalawa ang lahat ng mga tao sa bus.

Si Erico Torio, ang kaibigan ni Dondy na mahilig sa musika, nagpatugtog gamit ang cellphone na may nakakabit na maliit na speaker. Sinabayan ng lahat ang “Minsan” ng bandang Eraserheads.

“Kahit na anong mangyari. Kahit na saan ka man patungo”, ang iba pasigaw na kung kumanta. “Ngunit ngayon, kay bilis maglaho ng kahapon. Sana’y, wag kalimutan ang ating mga pinagsamahan”, at tinamaan si Dondy sa puntong iyon. Natahimik siya bigla.

Sa halos limang oras na paglalakbay, nakarating na sila sa Baler. Binaba sila ng bus sa tapat ng simbahan.

“Ayun. Nandito na tayo sa Baler. Pupuntahan natin ang ilang makasaysayang lugar dito. Kaya ihanda nyo na ang papel at syempre, camera. Sasamahan tayo ng ating tour guide na si Bb. Jane Yauder”, sabi ni Kuya Victor sa lahat. Una nilang pinasok ang simbahan ng Baler.

“Ito ay itinuturing na isang makasaysayang landmark sa Pilipinas. Naging mahalagang lugar ang simbahan ng Baler noong panahon ng digmaan”, pagpapaliwanag ni Bb. Jane. Napapa-wow at talagang namamangha ang lahat sa ganda.

Pilit pa ring pinagsasama sina Dondy at Cielo ng mga kabigan, at iniiwang mag-usap ng sarilinan.

Matapos ang pagpasok sa simbahan at pagpunta sa ilang makasaysayang lugar sa Baler tulad ng bahay ng mga Quezon, pumunta naman sila sa isang resort kung saan sila magrerelax kitang kita ang bahagi ng Karagatang Pasipiko. Nagkwentuhan sina Dondy at Cielo sa may batuhan.

“Alam mo, ang ganda talaga dito sa Baler. Pangalawang punta ko na at lalo akong namamangha”, si Cielo ang nagsalita.

“Oo. Ang sarap tumira dito sa Baler. Umuunlad na pati ang lugar”

“Tama lang naman ang ginagawa ng gobyerno at ng mga pribadong kumpanya”, magiging intelektuwal na namang usapan na sinimulan ni Cielo.

“Oo. Ecotourism. Papaunlarin mo ang isang lugar pero dapat nananatili pa rin ang kagandahan at hindi naaapektuhan ang kalikasan”

“Oo. Dagdag na trabaho din sa mga tao dito. Hindi naman masama ang pag-unlad ng Baler na isang makasaysayang lugar pero dapat nape-preserve ang kagandahan nito. Sige, pasok muna tayo. Baka sakaling may wifi sa loob.”, naramdaman ni Cielo na napapalapit na talaga si Dondy sa kanya. Pero bakit hindi ganoon kalakas ang nadadama niya kay Dondy. Iniisip pa rin niya ang crush.

Tumakbo papunta ng lounge si Cielo. Gagawin nanaman niya ang pagsilip sa Facebook ng hindi kilalang kaibigan doon. Si Dondy, tiningan lang ang papalayong si Cielo at naisip niya, liligawan na niya ito. Sasagutin kaya siya?

Nang malaman ni Cielo na may wifi nga, agad niyang binuksan ang Facebook. Nasa kanya-kanyang kwarto nang mga oras na iyon. Parehas silang naka-Facebook. Nakita ni Cielo na nag-update ang kanyang sinusundan nama’y pangalang, Walter Bolinao. “Here at Baler” ang pagkabasa niya. Bigla siyang nagulat pero hindi naniniwala. Si Dondy, nag-out sa kanyang Facebook at binuksan sa ikalawang beses ang isa pang account. “I think I fall in love”, tapos pinindot niya ang ‘post’. Nakita ni Cielo na nag-update ulit ang crush niya, “I think I fall in love”. Ni-like niya at yumugyog ang kama ni Dondy sa kanyang pagkatalon.

Lumabas ng kwarto si Cielo at agad na pinuntahan si Francis at Maica na umiinom ng buko juice sa may teresa.

“Francis! Francis! Tingan mo oh. Nag-status yung crush ko. Nasa Baler din daw siya”, hagos na sabi ni Cielo, dala-dala ang laptop.

“Talaga? Baka kasama natin ‘yan ngayon.”, natutuwang sagot ni Maica.

“Ewan ko.”

Si Dondy narinig ang ingay sa labas. Pinuntahan niya ang nag-uusap na sina Cielo, Francis at Maica.

“Dondy, malulungkot ka sa sasabihin ko. May crush si Cielo sa Facebook. Mas gwapo pa sa’yo at alam mo bang, nasa Baler din yun?”, pang-aasar na sabi ni Francis. Si Dondy nagpakita ng pagiging malungkot. Si Cielo, tumalikod para ipahalatang walang narinig sa mga sinabi ni Francis.

“Totoo ba ‘yan? At teka, pakialam ko.”, galit niyang sagot para hindi halata.

“Cielo, ipatingin mo nga kay Dondy”, si Maica

“Ayoko nga”, si Cielo na nakaupo na at nagtataka pa rin sa status ng crush.

“Halika, Dondy. Tingnan mo.”, niyaya ni Francis si Dondy papunta sa likod ni Cielo. At nagulat siya sa kanyang nakita. Facebook account niya talaga ang tinitingan ni Cielo.

Hindi na matiis ni Dondy. Pero nagdadalawang-isip siya na sabihin ang totoo. Baka hindi lang maniwala si Cielo.

“Cie… Cielo, tutal nandito naman sina Maica at Francis na magpapatotoo. May ipagtatapat sana ako sa’yo”, nahihihiyang sabi ni Dondy.

“Ano naman ‘yon? Pag-ibig? Pwes, kung oo, hindi kita mahal. At kung akala mo madadala mo ako sa paglalambing mo, hindi. Isa pa, may iba akong gusto. Eto siya oh. Eto”, galit si Cielo pero mahinahon nang ipakita kay Dondy ang pahina ng crush. Napatahimik ang lahat. Tatlong minuto, tahimik pa rin.

“Cielo, hindi. Sasabihin ko lang sa’yo na..uhmm”

“Ano? Ituloy mo na.”, Si Francis ang sumagot. Naghihintay din ng mga susunod na mangyaayari.

“Kas…kasi, kung hindi mo lang alam. Ako, I mean, akin yung account na sinasabi mong hinahangaan mo. Ako yung nasa picture, 2 years ago.”, pagtatapat ni Dondy. Tinalikuran niya ang mga kaibigan pero iniwang nakabukas ang laptop sa lamesa. Natulala na lamang si Cielo sa nakita. Totoo ang sinabi ni Dondy. Siya nga ang crush nito. Nakita niya ang lahat ng mga larawan ni Dondy nang hindi naka-private. At napaluha siya.

“Friend, habulin mo na kaya.”, sabi ni Francis na natutuwa. “Oo nga”, sabi din ni Maica na kinikilig.

Nagpunas ng luha si Cielo. At nang makarating siya sa tapat ng kwarto ni Dondy, sarado ito.

“Dondy, please. Lumabas ka na dyan. Sorry sa mga nasabi ko. Oo, naniniwala na ako. Hindi ko alam. Nabigla lang talaga ako. Please, get out of this room. Oo, mahal na rin kita. Alam ko namang mahal mo na rin ako eh.”, sabi ni Cielo na nakadikit na ang noo sa pinto. Nagbibiro pa siya sa lagay na ‘yon.

“Talaga, mahal mo rin ako?”, si Dondy na nasa likod na ni Cielo. Tumigil ang mundo. At mabilis na niyakap ni Cielo si Dondy. Sumagot ang parehong damdaming dala ng kuryenteng dumadaloy sa kanilang mga braso. Pumalakpak sina Francis at Maica at umaaktong magyayakapan din.

Huling araw na nila sa Baler kaya sinulit ng dalawa ang pagkakataon. Masaya silang naghahabulan sa buhanginan malapit sa dagat. Sa puntong iyon, walang anumang musika ang sasaliw sa kanilang kaligayahang nadarama.

_________________________________________________________________________________________________

 

*Ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards*

Sa pakikipagtulungan ng :

Advertisements
Comments
6 Responses to “Mula Facebook hanggang Baler”
  1. pseudogirlfriend says:

    Ang cute naman ni Dondy at Cielo. ❤

Trackbacks
Check out what others are saying...


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Recommended Foreign Films

    C.O.G. starring Jonathan Groff

  • The Words starring Bradley Cooper

  • The Perks of Being a Wallflower starring Logan Lerman, Emma Watson and Ezra Miller

  • Stranger than Fiction starring Will Ferrel

  • Recommended Local Films

    Ang Nawawala starring Dominic and Felix Roco

  • Liars starring Alessandra de Rossi

  • Babagwa (The Spider's Lair) starring Alex Medina

  • Recommended Foreign Novels

    The Spectacular Now by Tim Tharp

  • The Perks of Being a Wallflower by Stephen Chbosky

  • Number the Stars by Lois Lowry

  • Recommended Local Novels

    El Filibusterismo ni Jose Rizal

  • Dekada '70 ni Lualhati Bautista

  • MacArthur ni Bob Ong

%d bloggers like this: