Naglahong Tahanan

Naamlimpungatan si Noel sa pagkakatulog. Maya maya’y lalong lumalakas ang nararamdaman niyang kanina’y mahina lang na tulo. At habang patuloy na lumalakas ang tagas, humihina naman ang kanyang pandinig sa ibang bagay sa paligid. Malakas ang ulan na nagpapaginaw sa kanya.

“Noeeeeeeel!”, tawag ng kanyang ina na nasa kabilang kwarto. Isang manipis na tabla lamang ang naghihiwalay sa kanila. “Sahuran mo nga ng balde dyan sa likod ng pinto ‘tong tulo sa tabi ko.”, utos sa kanya. “Bwisit naman talaga ‘tong ulan na ‘to oh. Kung kailan ba naman natutulog na”, sumisigaw pa rin si Aling Marta sa hinihigaan.

Agad na sinunod ni Noel ang utos. Pagkapasok niya sa maliit na kwarto, di niya napansin ang paa ng kanyang kapatid na magiliw na natutulog sa bukana ng kwarto at natapakan niya ito. Ngunit walang siyang naramdamang galaw para alisin ang paa sa dinadaanan niya.

“Nay, san ba dito?”, tanong niya nang wala siyang mapansing tulo sa kwarto. Alam niyang malakas ang kanyang pagkakasabi.

“Tatanga-tanga ka na naman eh! Buksan mo kaya ung makina dyan sa taas”, sagot ni Aling Marta na mukhang antok na antok pa.

Dali daling sinipat ni Noel ang makinang tinutukoy ng kanyang ina. Muntik na siyang mauntog kahit nakayuko na siya kung humakbang sa kwarto. Nang mapagdugtong na niya ang kable sa makina, lumiwanag ng bahagya ang kwarto, sapat na para makita niya ang malakas na tagas. Pumwesto na ang kanyang ina pabalik sa dating hinihigaan nito, katabi ng balde.

“O siya, matulog ka na ulit. Kailangan mo pang dumilehensya bukas. Walang pambaon ‘tong mga kapatid mo…”, pahina nang pahina ang boses ni Aling Marta, hanggang sa ito’y makatulog na.

Biglang napa-isip si Noel. May kailangan pa pala siyang gawin kinabukasan. Sa katotohanan, ilang oras na lang iyon mula siya’y gumising sa lakas ng ulan.

Walang araw na hindi nagtrabaho si Noel para sa mga kapatid. Sa murang edad, namulat na siya sa pagbabanat ng buto simula nang iwan sila ng kanyang ama. Lagi siyang ume-ekstra sa pagkakarpintero o pamamasada ng tricycle ng kanyang ninang o kung sino man.

Wala ring araw na hindi siya napapahamak, bahagya man o sa ospital pa siya pupulutin.

“Noel, pare, yung barkada mong si Dante di nakayanan ung pinturang kasama niya araw-araw. Ayun, bumigay na” balita sa kanya ng isa niyang katrabaho sa pagkakarpintero. Si Dante ang kasa-kasama niya kapag umi-ekstra ay pumanaw na. Si Dante na may dalawang maliliit na anak at may sakit na asawa ay namatay dahil sa pagpipintura. Si Dante na hindi man lamang niya nadalaw sa mga huling araw nito sa ospital ay hindi na niya makikita. Si Dante na may mataas na pangarap para sa kanyang mga anak ay di na makakakita ng tagumpay. Si Dante na kasabay niyang lumaki, at si Dante na lagi niya napagsasabihan ng sikreto’t problema ay mawawala na sa kanyang tabi sa tuwing may di magandang nagyayari.

Mula sa pagkakaupo sa banig, paunat-unat na tumayo si Noel upang magkape. Ayaw na niya muna isipin ang mga problema. Problema sa baon ng mga kapatid, problema sa kanilang bahay na kailangan ng mapagawa, problema sa paghahanap ng tutulong sa pagpapalibing kay Dante ang mga nagpapabigat sa kanya ngayon.

Nakayuko si Noel nang pumunta sa kusina ng bahay ilang hakbang lang mula sa tinutulugan niya. Nauntog siya sa isa pang makina na nakasabit sa bubungan ng kanilang bahay. Lagi na lamang siyang nauuntog doon. Dating nakapwesto ang makina sa gawing kaliwa, sa likod ng pinto. Sinipat niya ang dalawang kable nito at binigyan siya ng kaunting liwanang. Kinapa niya ang isang pakete ng kape na nakasingit sa kahoy. Kumuha siya ng kalahating kutsara nito at maririnig sa katahimikan ang pagtama ng tasa at kutsara. Huminto na ang ulan. Sinilip niya ang mga garapon. Nakita niya ang asukalan at nang akmang bubuksan na niya ito, agad na gumapang sa kanyang braso ang mga langgam. Inilapit niya ang garapon sa may ilawanan at kahit di siguradong wala ng langgam, kumuha siya ng isang kutsara. Madiin ang pagkukutsara ni Noel  sa asukal. Maririnig muli sa katahimikan ang pagtama ng garapon at kutsara, nangingitngit parang kinukutkot.

“Tama na nga ‘to”, wika ni Noel sa sarili. Pinapagpag pa rin  niya ang kanyang braso at katawan dahil sa langgam. Maya-maya’y hinila niya ang pinto malapit lang sa kanyang kinakatayuan at tuluyang lumabas.

Kahit nagsisimula ulit ang pag-ulan, sinugod ito ni Noel. Dali-dali siyang tumakbo papunta sa isang tindahan, ilang bahay mula sa kanyang pinangalingan. Nadatnan niyang sarado pa ito ngunit maliwanag na ang ilaw sa loob. Naisipan niyang katukin ang yerong tumatakip sa tindahan.

“Nang!. Nang!”, tawag niya sa kanyang Ninang. Walang sumagot. “Nang! Na…”, babanggitin na niya ang pangawalang tawag pero may biglang sumagot – ang kanyang Ninong.

“O, Noel”, sagot sa kanya ni Mang Desto. asawa ng ninang ni Noel. “Teka’t , tumabi ka muna riyan. Bubuksan ko lang ‘tong tindahan”, sabi sa kanya. Agad na sinunod ni Noel.

“Aba, nabosesan agad ako ni ninong”, sabi ni Noel habang binubuksan ng kanyang ninong ang tindahan. Wala siyang narinig na sagot mula rito.

Nakita ni Noel na bagong ligo si Mang Desto dahil sa basa pa nitong buhok. “Nong, nandyan po si Ninang?”, tanong agad ni Noel.

“Ayun, kagigising lang at naliligo na”, sagot ni Mang Desto sabay upo kaharap pa rin ang nasa labas na si Noel.

“Ah, ganun po ba? Manghihingi sana ako ng mainit na tubig. Magkakape lang, Nong”, nahiya pang sabi ni Noel. Kung sabagay, unang beses nya itong gagawin matapos ang limang buwan.

“Tamang-tama. Nag-iinit pa ako ng tubig.”

“Sige po, hintayin ko na lang Nong”, at umupo muna siya sa sementadong upuan sa gilid ng munting tindahan.

“Naku, lalamukin ka dyan. Mabuti pa’t pumasok ka na muna sa loob. Alam mo naman siguro kung pa’no pumasok”, yaya sa kanya ni Mang Desto.

Walang ano ano’y sinunod ni Noel ang sabi ng ninong. Di na siya nag-atubiling pilitin pa. Tama ang kanyang ninong. Sanay na siyang pumasok sa bahay nito. Noong maliit pa siya, lagi siyang tumatambay sa bahay ng ninang at nakikipaglaro sa mga kinakapatid.

May karangyaan ang pamilya ng kanyang ninang. Inhinyero si Mang Desto ngunit ngayon’y retirado na. Dahil sa mga naipon nito sa pagtatrabaho at sa galing nitong gumawa ng bahay, walang binatbat ang pamilya ni Noel. Di nga niya alam kung bakit nakuha ng kanyang ina ang kanyang ninang at pumayag na sagutin ang pagpapabinyag sa kanya.

Pumasok na si Noel mula sa bakal na gate ng bahay. Tinahulan siya ng aso na may pangalang, Daldal, ngunit mukhang nakilala agad ang kanyang amoy. Inikot niya ang doorknob at bumungad sa kanya ang maaliwalas na bahay ng ninang. Wala talagang binatbat ang tumutulong bahay nina Noel. Iniwan niya ang suot suot na tsinelas sa labas at sa kanyang pagtapak sa loob ng bahay, naramdaman niya ang mabilis na pagdikit ng malamig na tiles sa kanyang mga paa. Walang ding sinabi ang mabatong sahig na tinatakpan ng linoleum sa naghahalong asul at berdeng tiles sa bahay ng ninang.

Bago siya dumiretso sa sala, binati muna niya ang ninong na kanyang natanaw mula sa tindahan at sumenyas na papunta siya sa sala. Ilang minuto pagkatapos niyang maupo, lumabas sa kwarto ang kanyang  ninang, si Aling Tess.

“Ninang”, bati ni Noel.

“Nandyan ka pala, Noel”, sabi ni Aling Tess na nagpupunas pa ng basang buhok.

“Manghihingi sana ako Nang ng mainit na tubig. Magkakape lang.”, nahihiya niya ulit na sabi. “Sabi po kasi ni Ninong, nag-iinit daw siya ng tubig”, dagdag niya.

“Sige, kumuha ka na dun sa kusina. Tingnan mo na lang kung tapos na’t magkakape din ako.”, sabi ni Aling Tess na papunta sa kanyang tindahan.

Agad na sinunod ni Noel ang utos. Sinisikmura na siya ng mga oras na iyon at kailangan na talaga niyang uminom ng mainit na kape. Nakita niyang kumukulo na ang iniinit na tubig kaya pinatay niya agad ang kalan. Naghanap siya ng basahan upang isalin na sa dala-dalang tasa ang mainit na tubig. Dumating bigla ang kanyang ninang.

“Okay na pala ‘yan. Sige nga’t salinan mo rin ung isang tasa dyan ng mainit na tubig,” sabi ni Aling Tess na may nakapaikot na tuwalya sa kanyang ulo.

“Noel, nak, mukhang may langgam ‘tong kape mo”, pansin ni Aling Tess sa kape niya nang masalinan na niya iyon. Si Noel ay  abala sa pagkuha ng tasa para sa ninang. Napakamot siya sa narinig.

“Akala ko po kasi natanggal na ung mga langgam kanina sa garapon ng asukal, meron pa pala.”

“O siya. Itapon mo na lang ‘tong kape at magtimpla ka na lang dyan.”

Hindi umiik si Noel. Tinimplahan na niya muna ng kape ang ninang. Nang makaalis na, kinuha ni Noel ang garapon ng kape, asukal at gatas at pinaghalo-halo lahat ang mga iyon.

***

“Siya nga pala, Noel. Si Larry ang pamamasada ngayon ng tricycle. Nakiusap sa akin kagabi dahil may sakit ang anak. May ipapasada ka pa ba? Baw ka na lang sa susunod”, bungad sa kanya ni Aling Tess matapos silang makapagkape. Kumakain ng mga oras na iyon ng mainit ng pandesal si Noel. Ngunit nawala kanyang gutom sa narinig. Isa pa namang dahilan kung bakit siya pumunta sa bahay ng ninang ay para makiusap na pamayagan siyang ipasada ang tricycle.

“Talaga po.” Nalungkot si Noel. “Wala po kasing pambaon sina Letlet at Ana sa school mamaya,” diretsong sabi ni Noel. Hindi na siya kumamot sa ulo o yumuko.

“Ganito na lang. Magkano ba binabaon ng mga kapatid mo? Pahihiramin muna kita”, alok ni Aling Tess sa kanya.

Bahagyang natuwa si Noel ngunit iniisip niya na hindi lang naman baon ng kanyang mga kapatid ang kanyang pinoproblema, pati na rin ang kakainin ng kanyang pamilya sa buong araw. Kung makakapamasada siya, maaring pang dalawang araw nagastos ang kanyang kikitain.

Iniabot ni Aling Tess kay Noel ang isang daang piso mula sa pitaka nito. Agad na kinuha ni Noel ang alok at itinago sa bulsa.

“E-ekstra na lang po siguro ako sa ginagawang building dyan sa may kanto. Sana payagan”, biglang sabi ni Noel.

“Mukhang malabo ‘yan, Noel. Kinontrata na ng contractor ung mga nagtatrabaho dun sa kanila, panigurado,” sabi ni Mang Diesto na awang awa sa kalagayan ng inaanak. “Pero sige subukan mo rin. Wala namang mawawala”, paghikayat ng ninong.

“Sige po, Nang, Nong. Alis na po ako. Salamat po sa kape at pandesal”, pamamaalam ni Noel. Pasilip na ang araw nang lumabas siya sa bahay ng ninang.

Nakita niyang nakaupo sa mga bangkitong ginawa niya noong nakaraang linggo ang kanyang mga kapatid. Hindi pa nakakapagsuklay ng buhok si Letlet. Si Ana, may kayat pa ng laway sa bibig at si Junior naman’y nakatulala sa isang tabi, parang may iniisip.

Hindi pinansin ni Noel ang mga kapatid. Iniwan niya ang baso sa lapag, malapit sa nilalabhan ni Aling Marta at tsaka naghahandang umalis.

“Hoy, Noel. San ka na naman ba galing? Kanina pa kita hinahanap”, sabi sa kanya ni Aling Marta mula sa maliit na bintana sa munting kwarto. “Di mo nanaman pinatay ‘tong mga makina kanina bago ka umalis. Yung isa, naubusan na ng baterya. Pakargahan mo muna kina Pareng Dondon. Sabihin mo, babayaran na lang”, mahabang dagdag ni Aling Marta kay Noel.

“Ipasunod n’yo na lang kay Junior ung makina. Maghahanap pa ako ng trabaho”, tanging sabi ni Noel.

“Sus, maghahanap daw o! Wala kang makikitang matinong trabaho, Noel. Yan ang katarantaduhan mo’t di ka tumino sa pag-aaral mo!”, sigaw sa kanya ng ina.

Uminit ang dugo ni Noel sa narinig ngunit pinili na lamang niyang di magsalita dahil alam niyang matatalo siya sa ina. Ayaw na niyang sagutin ang ina dahil magtatampo nanaman sa kanya ito at di na siya papansinin ng mga ilang atraw.

“Kuya, mag-init ka muna ng tubig. Magkakape pa kami”, singit ni Letlet na hindi pa rin nagsusuklay.

“Junior, asikasuhin mo muna mga kapatid mo. Maghahanap lang ako ng trabaho”, utos ni kay Junior. Si Junior ang pumapalit sa kanyang katayuan kapag wala siya sa bahay. Si Junior ang laging nauutusan pagdating sa mga gawaing bahay.

“Nay, wala ng panggatong”, sabi ni Junior sa ina.

“Ako pa ba ang gagawa ng paraan, Jun? Kumuha ka dyan sa gilid. Piliin mo lang at baka buong bahay na natin ang makuha mo sa kahahanap ng lintik na panggatong na yan”, sigaw ulit ni Aling Marta.

Nang makita ni Noel na kumikilos si Junior, iniwanan na niya ang pamilya. “Ana, sabihin mo babalik ako mamaya. Hanapin n’yo lang ako sa kanto para kunin ung babaunin n’yo kung di pa ako dumating”, paalam ni Noel ngunit di niya alam ang mga susunod na mangyayari.

Ang mahalaga nakalayo na siya sa kanyang bahay. Ang mahalaga di na niya maririnig sandali ang talak ng kanyang ina. Hindi naman ganoon dati si Aling Marta. Si Aling Marta, maayos sa sarili at sa mga anak. Walang araw na hindi siya naliligo at walang araw na tumalak siya ng sobra sa mga anak. Nagsimulang magbago ang lahat nang iwan sila ng kanyang asawa. May kaya ang kanilang pamilya noon. May sariling negosyo at namumuhay ng matiwasay. Hindi sila nakatira sa isang barong barong na bahay na ilegal nilang tinayo ngayon.

“Nay, ba’t ganito ung bahay natin. Sa kaklase ko ang ganda. May malaki pang TV,” sabi ni Ana minsan isang araw kay Aling Marta matapos magkaroon ng aktibidad sa klase ni Ana at doon sa bahay ng kamag-aral ginanap. Hindi na naabutan ni Ana ang karangyaan ng kanilang pamilya. Nang iwan sila ng kanilang ama, pinagbubuntis na siya ni Aling Tess.

Walang naisagot si Aling Marta at si Noel na nakikinig ng mga oras na iyon ay napaisip sa sarili at tinanong din kung bakit sila naghihirap ng ganoon.

Mag-a-anim na taon nang hindi nagpaparamdam ang haligi ng tahanan. Wala nang nagtatanggol sa kanila. Di na buo ang kanilang pamilya. Di na buo ang kanilang tahanan.

At si Noel ay abalang-abala sa paghahanap ng pagtatrabahuang bahay o konstruksyon. Nilapitan niya ang mga gumagawa sa gusaling sinasabi niya ngunit tumanggi silang tanggapin siya. Hindi na raw sila tumatanggap.

“Noel, naghahanap ung biyenan ng pinsan ni misis na papasada ng tricycle nila. Puntahan mo na dali”, sigaw ng nagmamadaling si Larry habang nagmamaneho ng tricycle ng ninang ni Noel. Muling nabuhayan si Noel.

Umangkas siya kay Larry para ihatid sa paroroonan nila. “Nahuli kasing magsabi ung biyenan ni Miss kaya nakiusap muna ako kay Aling Tess”, sabi ni Larry. Nadatnan nila na abalang-abala ang may-ari ng tricycle sa paglilinis nito. Si Noel lang pala ang hinihintay.

“Ikaw ba ung nirekomenda nitong si Larry. Sige, ingatan mo lang ‘tong tricycle ko. Dalawang daan boundary”, kahit medyo mataas ang kailangang ibigay ni Noel, tinanggap na niya ang trabaho. Trabaho para ipasada ang tricycle na matanggal na niya ng pangarap na magkaroon. “Walang aksidente ah”, habol pa ng may-ari bago makaalis si Noel.

***

Mag-i-isang oras nang nakapila si Noel sa dati niyang tinatambayan. Alam niyang maraming pasahero doon ng mga oras na iyon. Ngunit sa wakas may isang sumakay.

“San ho tayo?”, tanong ni Noel sa babaeng pasahero.

“Sa may kanto po, sa 7-11”, sabi ng pasahero. “Bilisan mo kuya ah. Nagmamadali kasi ako eh.”

“Sige ba, Miss. Para sa’yo.”, pabirong sabi ni Noel. May kalayuan ang gustong destinasyon ng pasahero ngunit tiba-tiba siya sa makukuhang bayad.

Kumaliwa, kumanan at diretso ang tinahak ni Noel, gamit ang tricycle na hindi sa kanya. Binilisan pa ng mabuti ni Noel ang pagmamaneho baka sakaling bigyan pa siya ng dagdag kapag naihatid niya ang babae nang mabilis.

Ngunit, di alam ni Noel ang mga susunod na mangyayari.

Dahil sa bilis ng kanyang takbo, di niya namalayan ang pagtawid ng isang truck sa harapan.

Mabilis ang mga pangyayari.

Napabilis ang pasahero sa kanyang paroroonan.

At si Noel. Si Noel. Kumakaway sa kaibigang si Dante si Noel. Si Noel, walang nang poproblemahin.

At sa kabilang kalsada, maririnig ang pagtatalak ni Aling Marta kay Junior habang sina Letlet at Ana naman ay naghahanda para sa isang araw sa eskwelehan na walang kukuning baon.

——————————————————————————————————————————————————————————————————————————————

Ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 5

Saranggola 336x280

sa pakikipagtulungan ng:

dmci homes logo

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

  • Recommended Foreign Films

    C.O.G. starring Jonathan Groff

  • The Words starring Bradley Cooper

  • The Perks of Being a Wallflower starring Logan Lerman, Emma Watson and Ezra Miller

  • Stranger than Fiction starring Will Ferrel

  • Recommended Local Films

    Ang Nawawala starring Dominic and Felix Roco

  • Liars starring Alessandra de Rossi

  • Babagwa (The Spider's Lair) starring Alex Medina

  • Recommended Foreign Novels

    The Spectacular Now by Tim Tharp

  • The Perks of Being a Wallflower by Stephen Chbosky

  • Number the Stars by Lois Lowry

  • Recommended Local Novels

    El Filibusterismo ni Jose Rizal

  • Dekada '70 ni Lualhati Bautista

  • MacArthur ni Bob Ong

%d bloggers like this: